top of page

Idinaos, F to F na Panlahatang Pag-Angat at Pagtatapos sa SDO San Juan

Idinaos ng face to face ang Ika-10 Panlahatang Pag-Angat at Pagtatapos ng Elementarya at Sekondarya sa Dibisyon ng San Juan noong ika-29 ng Hunyo at ika-1 ng Hulyo 2022 na ginanap sa The Filoil Flying V Arena. Ang nasabing programa ay may temang: “Gradweyt ng K to 12; Masigasig sa mga Pangarap at Matatag sa mga Pagsubok” para sa Taong Panuruan: 2021-2022


Hunyo 29, isinagawa ang pag-angat ng 9,121 na mga batang nasa baitang 6. Nagkaroon ng 4 na batches upang makasunod sa hinihinging protocol ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases(IATF). Ang unang batch ng nasabing programa ay binubuo ng mga Paaralang Elementarya ng Pedro Cruz, Salapan, at San Perfecto. Sa ikalawang batch ay ang Paaralang Elementarya ng San Juan. Ikatlong batch ang Paaralang Elementarya ng Nicanor Ibuna, Sta. Lucia at Kabayanan. Sa ikaapat na batch naman, ang Paaralang Elementarya ng West Crame at Pinaglabanan.


Ang pagtatapos ng 461 na mag-aaral sa baitang 12 at pag-angat ng 867 na mag-aaral sa baitang 11 ay ginanap naman noong Hulyo 1. Katulad sa elementarya, nagkaroon ng 5 batches ang programa bilang pag-iingat sa panahon ng pandemya. Ang unang pangkat na nagsipagtapos ay ang paaralang San Juan City Technical-Vocational and Livelihood Senior High School, sinundan ng San Juan City Academic Senior High School, pagkatapos ay ang San Juan City Science High School kasama ang ilang pangkat ng San Juan National High School at sa huli, ang ilang pangkat ng mag-aaral sa San Juan National High School.


Ang dalawang araw na palatuntunan ay dinaluhan ng pamunuan ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng mayor ng Lungsod San Juan na si Kgg. Francis Javier M. Zamora. Kasama rin si Kgg. Ysabel Maria J. Zamora, kinatawan ng nasabing lungsod.


Sa pagpapakilala ng mga punong-guro, pagpapatunay ni Dr. Buenafe E. Sabado, Katuwang na Tagapamanihala ng mga Paaralan ng Lungsod San Juan at sa pagpapatibay ni Dr. Cecille G. Carandang, Tagapamanihala ng mga Paaralan ng Lungsod San Juan ng pag-angat at pagtatapos ng mga mag-aaral sa taong panuruan 2021-2022 ay naging katuwang nila ang pamunuan ng Lokal na Pamahalaan at kasama rin ang mga pansangay na tagamasid sa Deped San Juan sa pagbigay ng Katibayan ng Pag-angat at Pagtatapos sa mga mag-aaral.


Nabanggit sa isang bahagi ng mensahe ng dating Kalihim ng Edukasyon, Igg. Leonor M. Briones, “Sa Class 2022, nasa dugo ninyo ang katatagan. Nalagpasan ninyo ang isa sa mga pinakamahirap na panahon sa kasaysayan ng sangkatauhan at sa kabila nito, niyakap pa rin ang edukasyon bilang pangunahing kagamitan sa tagumpay. Nanniniwala akong sa inyong masidhing damdamin at layon, makakamit ninyo ang inyong mga pangarap at babaguhin ang mundo.”


Nagbigay din ng mensahe si Kgg. Francis Zamora at Kgg. Ysabel Maria J. Zamora ukol sa kahalagahan ng edukasyon at sa pagpapatuloy pa ng mga bagay na maitutulong ng lokal na pamahalaan para mapataas ang kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral ng batang San Juañeño.


Naging makasaysayan at matagumpay ang nasabing programa sapagkat dama sa mga dumalo ang kaligayahan at pagkasabik sa face to face na Pagdaraos Pag-angat at Pagtatapos ng mga mag-aaral pagkalipas ng dalawang taon na online lamang nangyari.


Mga Nakalap na Larawan

ni Vilma T. Padilla

Taimtim at madamdamin. Pag-awit ng Pambansang Awit ng mga nagsipag-angat sa Paaralang Elementarya ng PCES, SES, SPES.

Katatagan at Kasipagan. Pagpapatibay ni Dr. Cecille G. Carandang, Tagapamanihalang Pansangay ng mga Paaralang Lungsod ng San Juan sa mga batang nagsipag-angat at nagsipagtapos.

Kasangga sa anomang oras. Katuwang ng DepEd Officials si Kgg. Francis Zamora sa pagbibigay ng Katibayan ng Pag-angat ng mga mag-aaral sa baitang 6.

Kalidad na Edukasyon. Pagbibigay ng mensahe ni Mayor Francis Zamora sa mga mag-aaral.



Article Written by:


Eulafel C. Pascual

Education Program Supervisor - Filipino


Emma A. Sendiong

Education Program Supervisor - Edukasyon sa Pagpapakatao

Comentários


Featured Posts
Archive
bottom of page