Buwan ng Wikang Pambansa, Masayang Ipinagdiwang saWCES
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, s.1997 na nagtatakda ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa mula Agosto 1 hanggang 31 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Layunin nito na lalo pang mapalakas ang Wikang Filipino bilang Wikang Pambansa at mahikayat ang mga mag-aaral na makilahok sa mga inihandang aktibidad.
Bilang Paggunita sa kalayaang nakamtan ng mga Pilipino, ipinagdiwang noong Ika-2 ng Setyembre sa Paaralang Elementarya ng West Crame (WCES) ang “Buwan ng Wikang Pambansa” na may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha.
Bilang paghahanda sa isinagawang selebrasyon, nagkaroon ng Oryentasyon sa bawat antas mula Kinder hanggang Ikaanim na Baitang noong Ika-23 ng Agosto, 2022. Tinalakay ang mga layunin at mga aktibidad na isasagawa. Binigyan din ng maiksi ngunit makabuluhang kasaysayan tungkol sa Wikang Pambansa ang mga mag-aaral sa pangunguna ni Ginang Ruscel L. Paguirigan ang koordineytor sa Filipino.
Ang mga aktibidad na isinagawa ay Acronym ng Buwan ng Wika (Kinder), Paggawa ng Mosaic (Unang Baitang), Tula (Ikalawa at Ikatlong Baitang), Pag-awit ng Kundiman (Ikaapat na Baitang), Paggawa ng poster (Ikalimang Baitang), Sabayang Pagbigkas (Ikaanim na Baitang) at ang Booth Festival.
Sino nga ba ang mag-aakala na muli na namang mararanasan ang pagkakaroon ng mga ganitong selebrasyon sa paaralan? Nakakatuwang makita na ang bawat isa ay talaga nga namang nakiisa sa lahat ng inihandang gawain para sa programa. Mula sa kasuotan hanggang sa pagpapakita ng kani-kanilang talento. Maiksing panahon lamang ang kanilang paghahanda ngunit kitang-kita naman ang kahandaan ng bawat antas sa ipinamalas nilang mga gawain sa panahon ng programa. Ang makita silang nakangiti ay masaya sa pakiramdam.
Mapalad ang Paaralang Elementarya ng West Crame sapagkat patuloy ang buhos ng suportang ibinibigay para sa mas lalong ikaaayos at ikagaganda ng paaralan. Dumalo sa selebrasyon ang Punong Baranggay ng West Crame na si Ginoong Marcelino C. Trinidad, Ginang Eufemia Timado, Baranggay Komite ng Edukasyon. Ginang Eulafel C. Pascual, ang Pansangay na Tagamasid sa Programang Pang-Edukasyon at Ginang Buenafe E. Sabado, Katuwang na Tagapamanihala ng mga Paaralan sa Lungsod ng San Juan. Sila ang nagsilbing mga hurado sa isinagawang “Booth Festival”. Ang pag-alalay ng mga opisyales ng GPTA sa pangunguna ni Ginoong Lito Macalanda ay talaga nga namang nakakataba ng puso sapagkat mula umpisa hanggang sa matapos ang programa ay kabilang na sila sa nakatuwang sa mga gawain. Ganundin ang suporta ng mga magulang na sa kabila ng pagkakaroon ng trabaho ay patuloy pa rin ang suportang ibinigay nila sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang mga anak na maisaulo ang mga tula at awit maging sa paghanda at pag-ayos ng kasuotan para sa nasabing programa.
Nakaramdam man ng pagod ang bawat isa ngunit mayroong ngiti ng tagumpay sa kanilang mga labia ng bawat isa matapos ang programa. Pagsaludo para sa mga gurong hindi napapagod at patuloy na ginagawa ang lahat upang mas lalo pang matulungan ang mga batang mahasa ang kanilang mga natatagong talento. Isang karangalan ang magkaroon ng punong-gurong di kailanman nakitaan ng pagsuko at patuloy na ginagawa ang lahat ng paraan upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral at mga guro sa katauhan ni Ginoong Roy Dan R. Pido.
Ang paggunita sa Buwan ng Wika ay di natatapos sa selebrasyong ginanap ngunit ito ay patuloy na ginugunita sa pamamagitan ng pagpapaalala sa bawat isa na mahalin,patuloy na gamitin at pag-aralan ang mga wikang ginagamit dito sa bansang Pilipinas.
Isinulat ni:
RUSCEL L. PAGUIRIGAN
Teacher II
West Crame Elem. School
Commenti