top of page

Buwan ng Nutrisyon 2023

Ipinagdiwang ng West Crame Elementary School (WCES) ang Buwan ng Nutrisyon na may temang, “Healthy diet gawing affordable for all! " Layunin nitong patuloy na mabigyan ng maayos na kaalaman ang bawat isa sa tamang nutrisyon na kinakailangan.


Ang buwan ng Hulyo ng bawat taon ay itinakda ng pamahalaan na “Nutrition Month” o Buwan ng Nutrisyon. Ang selebrasyon na ito ay nakapaloob sa Presidential Decree No. 491, series of 1974 at naging bahagi na dito ang mga paaralan.


Napakalaking kahalagahan ang ibinibigay ng Buwan ng Nutrisyon sa ating lipunan. Ito ang panahon kung saan tayo inaanyahan na muling balikan at bigyang-pansin ang ating mga kinakain at mga gawain na may kinalaman sa nutrisyon. Ito rin ang pagkakataon na magkakaisa tayong lahat sa pagtataguyod ng tamang pagkain, malusog na pamumuhay, at pagpapahalaga sa ating mga katawan.

Nakakatuwang isipin na sa kabila ng sitwasyon ng mundong napahirap, patuloy pa rin ang pagiging malakas ng bawat isa. Sa katunayan, ang mga mag-aaral ng WCES ay nagsagawa ng mga aktibidades upang ipagdiwang ang Buwan ng Nutrisyon. Sa paggabay ng punong-guro na si Ginang Hernanda R. Santos at sa pangunguna ng Feeding Coordinator na si Ginang Ruscel L. Paguirigan, nagsagawa ng paglulunsad ng Buwan ng Nutrisyon. Isa na rito ang “Fun and Healthy Zumba” na nilahukan ng lahat ng mag-aaral. Layunin nitong mas lalo pang maging malakas ang katawan ng bawat isa. Nasubukan rin ang kanilang mga katalinuhan nang isinagawa ang “Nutri Quiz Bowl”, kung saan may mga nakahandang mga tanong na kailangan sagutin. Mula sa pagkilala at paghuhula ng pangalan ng mga prutas o gulay sa pamamagitan ng pagdudugtong-dugtong ng mga pangalan ng larawan hanggang sa pagsagot sa kung ito ba ay prutas o gulay. Ang lahat ay talaga namang napaisip at nag-enjoy.


May kaniya-kaniya ring ginawa sa bawat silid-aralan ang mga mag-aaral upang mas lalong mainitindihan ng bawat isa ang kahalagahan ng nutrisyon sa buhay ng bawat isa. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: Vegetable/Fruit Clay Molding, Vegetable/Fruit Cupcake Decorating, Vegetable/Fruit Headdress, 3D Vegetable/Fruit Craft Paper, Slogan/Poster Making, Vegetable/Fruit Carving at Cookfest. Ipinamalas na naman ng bawat mag-aaral ang kani-kanilang talento at galing sa mga nasabing aktibidad.

Nagkaroon rin ng parada mula Kinder hanggang Ikaanim na Baitang kasama ang mga guro at mga magulang ng mga mag-aaral. Sa tulong at presensiya ng mga tanod ng West Crame, payapa at masayang naisakatuparan ang gawain. Isa na rin itong paraan upang mas lalong makilala ang paaralan at makahikayat pa lalo ng mga batang mag-aaral. Nakakaaliw pagmasdan ang mga bata at maging ang mga guro na nagsipagsuot ng mga totoong gulay na nagsilbing “costume” nila sa parada. Naipamalas ng mga ito ang kani-kanilang pagiging malikhain sa paggawa ng costume gamit ang pinagsama-samang gulay at prutas.

Isa sa mga pinakahinintay ng bawat isa na aktibidad ay ang tandem ng magulang at anak sa “Club Sandwich at Waldorf Salad Making”. Binigyan lamang ng 15 minuto ang mga kalahok upang makagawa ng presentable at masarap na sandwich at salad. Ang mga naging hurado sa patimpalak na ito ay sina “Ginoong Lito Macalanda (GPTA President), Binibining Anthea Shirin C. Uytanco (Former Anti Drug Abuse Facilitator), at si Ginang Leonalyn Ramillano (MT-11). Nakakabilib sapagkat may mga kalahok na ang kasama ng mga mag-aaral ay ang kanilang tatay. Mula umpisa hanggang sa natapos ang paligsahan ay talaga namang naka-pokus ang atensiyon ng lahat sa bawat kalahok.

Pagsaludo sa punong-guro na patuloy na nagbibigay suporta at pagmamahal sa mga guro at mag-aaral, maging sa mga gurong nagsisilbing pangalawang nanay/tatay ng mga mag-aaral sa paaralan, at sa mga magulang na sa kabila ng kanilang hanapbuhay ay nabibigyan ng oras ang kanilang mga anak sa mga aktibidad na isinagawa sa paaralan maging ang mga mag-aaral na patuloy na ipinamamalas ang kanilang mga galing sa anumang larangan.


Nawa patuloy na makamit ng lahat ang angkop na nutrisyong kinakailangan sa pamamagitan ng mga tamang impormasyon. Pagkakaisa, respeto at pagmamahal sa bawat isa ang naging susi kung bakit naging matagumpay ang selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon. Ang aktibong partisipasyon ng bawat isa ay nagpakita ng kanilang interes at pagsusumikap na maging mga responsableng mamamayan na may malasakit sa kanilang kalusugan.Hindi lamang ito isang pagdiriwang, kundi isang pagkakataon na patunayan sa ating sarili na ang nutrisyon ay tunay na napakahalaga.Nawa patuloy ang pagsuporta ng bawat isa sa mga aktibidad ng Buwan ng Nutrisyon upang makatulong sa paghubog ng isang mas malusog at maunlad na lipunan.





Article Written by:


Ruscel L. Paguirigan

Teacher II - West Crame Elementary School

Comments


Featured Posts
Archive

Contact Us

Schools Division Office - San Juan City
Pinaglabanan St., San Juan City 1500

(02) 8250-4528

transparency_seal_small.png
FOI%20logo_edited.png

RELATED LINKS

deped san juan city
deped san juan city
deped san juan city
deped san juan city
deped san juan city
deped san juan city
DepEd_MATATAG_BagongPilipinas.png

© 2019 by Schools Division Office - San Juan City

bottom of page