SJNHS: Pinangunahan ang Isang Pamaskong Handog sa Baragangay San Perfecto
Isa na namang matagumpay na proyekto ang ipinamalas ng mga guro at estudyante ng San Juan National High School kamakailan sa panahon ng pagbibigayan at pagmamahal sa kapwa. Ito lamang ika-23 ng Disyembre, 2019 nang pangunan ng mga opisyales ng Supreme Student Government (SSG) ng San Juan National High School at tagapayo nito na si Ms. Maria Cristina T. Tuason ang isang proyekto na nagbigay ngiti sa marami sa panahon ng kapaskuhan.
Ito ay ang pamimigay ng regalo sa mga kapus-palad nating mga kabataan ng Brgy. San Perfecto sa lungsod ng San Juan. Layunin nito ang maikintal sa puso at isipan ng bawat isa na maibahagi sa iba ang mga biyayang natanggap, pagtutulungan at pagkakaisa. Para sa mga nagsagawa ng proyektong ito,ay isang pamamaraan na isagawa ang tunay na diwa ng Pasko - Pagmamahalan at Pagtulong sa kapwa.
Bago isinagawa ang naturang Pamaskong Handog sa Kapwa ay nagsagawa ng maikling programa ang mga nasa likod nito. Isa nga sa mahalagang bahagi ng programa ang mensaheng pinaabot ng Punong-barangay, Dennis B. Pardinez, ang kanyang taos-pusong pasasalamat at hangaring magpatuloy pa ang nasabing gift-giving sa mga susunod pang mga taon. Habang ang Puno ng Kagawaran ng Araling Panlipunan na si Gng. Rowena J. Cruz ay nagpahayag ng kanyang pagbati ng Maligayang Pasko sa mga kasamang magulang ng mga batang tatanggap ng regalo at pagkilala sa pagsisikap ng mga opisyal ng SSG upang maisakatuparan ang makabuluhang programang makapagbibigay saya sa kapwa, lalo na dahil magpapasko.
Bago matapos ang programa, isang maligayang pagbati ang ipinaabot ni G. Christian R. Talaboc, YFD Coordinator ng Dibisyon ng San Juan. Samantala, lubos ang kagalakan ng punong-guro ng SJNHS na si Gng. Cesar A. Camayra na nagpaabot ng kanyang pakikiisa sa lahat. Ani ng butihing punong-guro, “ang gawaing makatulong sa ating kapwa ay sadyang dumadaloy sa bawat dugo ng mag-aaral ng SJNHS. Ang programang ito ay patunay sa adhikain ng paaralan at ng bawat mag-aaral na makatulong hindi lamang sa panahon ng Pasko, kundi sa lahat ng pagkakataon”.
Ang okasyong iyon ay sinundan ng pamamahagi ng mga regalo sa mga piling kabataan ng Barangay San Perfecto.
Tunay ngang ang Diwa ng Pasko ay ang Pagmamahalan, Pagtutulungan at Pagbibigayan ng bawat isa, mahirap man o mayaman.
Article written by:
Ma. Cristina T. Tuason – Teacher III (SJNHS)