Anti – Drug Awareness Seminar, Isinagawa para sa Mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS)
Nagsagawa ng Anti-Drug Awareness Seminar ang Alternative Learning System noong Oktubre 12, 2019 sa Pinaglabanan Elementary School. Dinaluhan ito ng mag-aaral at mobile teachers ng ALS. Isinagawa ang nasabing seminar bilang suporta na rin sa kampanya ng PNP sa pagsugpo ng droga. Ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa pag-iwas sa ipinagbabawal na gamot at ang masasamang idinudulot nito sa kalusugan ang isa sa mga paraan ng PNP para maihatid sa nakararami ang kanilang kampanya.
Layunin ng gawain ay mabigyan ng komprehensibong kaalaman sa paraan ng pag-iwas sa ipinagbabawal na gamot at ang masasamang epekto nito sa kalusugan, relasyon ng pamilya at sa lipunan.
Binigyang diin din ni Dr. Cecille G. Carandang, CESO VI (OIC – SDS) sa kanyang pambungad na pananalita ang mahalagang papel na ginagampanan ng mag-aaral ng ALS sa pagsugpo ng ipinagbabawal na gamot. “Bilang mga mag-aaral ng ALS, dapat ay mas maging mabuting halimbawa kayo sa iba pang mga kabataang hindi nag – aaral, ipakita ninyo sa lahat na kayo pa ring mga kabataan sa kasalukuyan ang magiging pag-asa ng ating bayan sa hinaharap.”
Ang mga naging tagapagsalita ng talakayan ang mga opisyal ng PNP na sina PPSg. Jumer S. Petilo kasama si PCor. Jerlyn Animos ng PNP San Juan City. Ayon sa kanila, dapat magtulungan ang pamilya, paaralan at iba pang sektor ng lipunan upang masugpo ang ipinagbabawal na gamot. Binigyang diin ng mga tagapagsalita na hindi dapat masangkot ang mga kabataang San Juaneños sa kahit na anong isyu ng droga.
Article written by:
Erwin C. dela Cruz - Education Program Specialist II (ALS)