top of page

EDUKASYON KO, PANAHON NA!

Ng nakaraang ika-20 ng Hulyo 2019, 288 mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) ng SDO San Juan City ang tumanggap ng kanilang katunayan ng pagtatapos at pagtataas na ginanap sa Pinaglabanan Elementary School. Ang okasyon na ito ay isang tipan ng mga pagsisikap na makatapos ng pag-aaral at hudyat ng simula ng pagtahak sa bagong yugto ng paglalakbay ng isang mag-aaral.

Ang nasabing pagdiriwang ay dinaluhan ng bagong Punong-Lungsod, Kgg. Francisco Javier Zamora, Pangalawang Punong-Lungsod, Kgg. Warren Villa, mga Konsehal na sina Kgg. Bea de Guzman, Kgg. Kit Peralta at Kgg. Chesca Velasco, mga Kapitan at Kagawad ng mga barangay sa lungsod at mga mahal sa buhay ng mga nagsipagtapos na mag-aaral.

Ang pagtitipong ito ay lalong naging makahulugan nang ipahayag ni Mayor Zamora ang paggawad ng Pamahalaang Lungsod ng Educational Assistance. Ang nasabing tulong ay bilang pagkilala sa tagumpay na nakamit ng SDO San Juan City bilang pinakamataas na passing rate sa buong NCR sa nakaraang Accreditation and Equivalency (A & E) Test na 94.50%.

Sa mensahe ng pasasalamat ni Analou G. Mapano, ALS passer na nakakuha ng pinakamataas na marka sa mga nagsipagtapos na tubong Cagayan de Oro at kasalukuyang kasambahay mula sa Mary the Queen Parish Community Learning Center, kanyang sinabi, “Hindi hadlang ang pagiging mahirap at pagiging kasambahay upang patuloy na makamit ang ating mga pangarap. Ang araw na ito ay hindi ang katapusan bagkus ay ito pa lamang ang simula ng bagong kabanata ng ating buhay.”

Hindi nagpahuli ang mga senior citizen mula sa Brgy. Corazon De Jesus Community Learning Center sa kanilang pasasalamat na mapagpatuloy ang kanilang pagaaral sa ilalim ng ALS na isang pagpapatunay na ang edad ay hindi hadlang sa kanilang pagnanais na makatapos ng pagaaral.

Ang pagtatapos na ito ay magsisilbing inspiration sa SDO San Juan City na ipagpatuloy tugunan and hamon na abutin ang pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral ng mga mamayang nasa laylayan ng lipunan at sa mga ALS Mobile Teachers na pagtuloy na pag-alabin ang sigla at hangad na makapaglingkod at tugunan ang hamon na patuloy iangat ang kalidad ng edukasyon.

Isang bagbunyi sa ALS Program ng SDO San Juan City sa nakamit nitong tagumpay!

Article written by:

Erwin C. Dela Cruz (Education Program Specialist II - ALS)

Featured Posts
Archive
bottom of page