NIES AT SJES, NANGUNA SA TAGISAN NG TALINO AT TALENTO SA 2018 PANDIBISYONG SELEBRASYONG NG BUWAN NG
Pinatunayan ng Nicanor Ibuna at San Juan Elementary School ang kahusayan pagdating sa pagpapakita ng talino at talento. Nanguna sina Curby R. Francisco ng NIES sa Ispeling sa Filipino at Crizdarl Eurenz Callo ng SJES sa SUKLAS (Pagsulat at Pagbigkas ng Tula) sa katatapos na 2018 Pandibisyong Selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa (Tagisan ng Talino at Talento) noong nakaraang Agosto 20, 2018 sa San Juan Elementary School.
Sina Curby at Crizdarl Eurenz ang magiging kinatawan ng Dibisyon ng San Juan sa Regional Festival of Talent sa darating na Oktubre 2018. Ang kanilang mga tagapagsanay na si Mery Jean E. Devilleres ng NIES at Maricar D. Hinampas ng SJES ay kapwa nagpahayag na kailangan pa nila ng matinding pagsasanay bilang paghahanda sa nasabing Festival at magagawa lamang nila ito sa tulong ng kani-kanilang mga punong guro.
Ayon kay G. Lloyd T. Tulaylay, prinsipal ng SJES, “Ang tagumpay ng mga mag-aaral at paaralan ay dahil sa kolaboratibong pagtutulungan ng punong guro, mga guro, mga magulang, LGU at mag-aaral. Kailangang maramdaman ng mga guro at mag-aaral ang pagsuporta ng namumuno ng paaralan para maging inspirasyon ito upang lalong magsikap ang mga ito nang maging matagumpay sa anumang paligsahan at larangan.”
Nakakuha ng ikalawang puwesto sa Ispeling Si Charlie Magne Comendador ng Pinaglabanan Elementary School at Fritz Anne Grace Manalo ng Kabayanan Elementary School para sa ikatlong puwesto. Para sa SUKLAS , nakuha ni Adrian V. Ramillano ng Santa Lucia Elementary School ang ikalawang puwesto at ikatlong puwesto naman si Marielle Janelle B Luciano ng Kabayanan Elementary School.
Article written by:
Mrs. Eulafel C. Pascual (Education Program Supervisor for Filipino)