IKINASA, PANDIBISYONG PAGDIRIWANG NG BUWAN NG WIKANG PAMBANSA
Ikinasa ang Pagsasanay at Palihan Sa Masining na Pagbigkas at Pagsulat ng Tula para sa mga gurong tagapagsanay ng nasabing kategorya bilang unang bahagi ng Pandibisyong Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa SDO Conference Hall sa nasabing lungsod noong Agosto 9, 2016 na may temang “ Filipino, wika ng karunungan”.
Pinangunahan ni Gng. Eulafel C. Pascual, EPS sa Filipino ang nasabing gawain sa ilalim ng pamamahala ni Dr. Joel T. Torrecampo, nanunuparang pinuno ng Dibisyon ng Lungsod ng San Juan na dinaluhan ng 23 guro na mula sa mga paaralan sa elementarya at sekundarya.
Naging tagapagsalita si G. Wyeth Jo Cadauan, dalubguro ng Paaralang Elementarya ng Kabayanan ukol sa kasaysayan ng Balagtasan at kung paano ito isinasagawa. Nagbigay din si Gng. E. Pascual ng kaalaman kung paanong lumikha ng tula na may sukat at tugma. Naging tagapagdaloy naman ng programa si Gng. Maricar Hinampas ng Paaralang Elementarya ng San Juan.
Ang mga gurong dumalo ay binigyan ng oras sa pagbigkas ng Balagtasan at pagsulat ng tula na may kaugnayan sa tema. Ipinarinig din ng ilang gurong nakatapos ang kanilang katha. Naging kawili-wili at mabunga ang naging pagsasanay at palihan.
Ang ikalawang bahagi ay magaganap sa Agosto 22, 2016 para sa lektura ng masining na pagkukuwento na susundan naman ng patimpalak ukol dito, timpalak balagtasan at poster making.
Sa ikatlong bahagi ng programa sa Agosto 23, 2016, magkakaroon ng timpalak sa lakan at lakambini, pag-awit ng magkapareha at maunawang pagbasa.
Ilang kuhang larawan sa naganap na gawain.
Bating pagtanggap ni Dr. Susan S. Luceňo Lektura ni G. Wyeth Jo Cadauan
Lektura ni Gng. E. Pascual Mga guro sa kanilang pagsulat ng tula
Masining na pagbigkas ng mga guro Mga lumahok sagawain
Article written by:
Eulafel C. Pascual (Education Program Supervisor - Filipino/MTB-MLE)