top of page

“KUNG ALS LEARNER KA, NAIIBA KA”

Muli na namang nasaksihan ng Lungsod ng San Juan ang pinakamahalagang kaganapan sa buhay ng 121 San Juaneño noong Hulyo 16, 2016 – ang ika-2 taunang pagtatapos sa ilalim ng Alternatibong Sistema ng Pagkatuto na kilala sa tawag na ALS, isang programa ng Departamento ng Edukasyon na layuning itaguyod ang Edukasyon para sa lahat lalong-lalo na ang mga kabataang wala sa loob ng paaralan. Ang mga nagsipagtapos ay ang matatagumpay na naipasa ang Accreditation and Equivalency Test na ginanap noong Abril 17, 2016.

Ang pagdiriwang ay pinamunuan ng Departamento ng Edukasyon ng Dibisyon ng San Juan sa pamamahala ni Dr. Joel T. Torrecampo, nanunungkulan bilang Pansangay na Tagapamanihala; G. Virgilio A. Santos, Chief ng SGOD; G. Anselmo B. Joven, Tagamasid sa Programa ng ALS; G. Danilo A. Castro Jr., EPSII; mga Punong-Guro na sina G. Cesar A. Camayra, at G. Vito L. Mengote; mga guro na sina Bb. Michelle Faye B. Velasco, G. Erwin C. dela Cruz, G. Amiel C. Lago at Gng. Ana Ma. Aurora T. Lorania. Naging panauhing pandangal ang butihing ina ng Lungsod ng San Juan na si Mayor Guia G. Gomez, Vice Mayor Janella Ejercito Estrada, mga punong Barangay na naging katuwang sa pagtataguyod ng programa.

Ang pagtatapos na ito ay itinuturing ng mga kabataan na simula ng panibagong yugto ng kanilang buhay na maaaring dumating muli sa kanila ang mga pagsubok, subalit batid nila na dahil sa pagpanday ng Programang ALS at ang edukasyon na kanilang natutuhan ay matatag nilang kahaharapin ang mga ito.

Katulad na lang ng ibinahaging mensahe ng isa sa mga nakapasa na mag-aaral sa loob ng BJMP – San Juan, na itago na lang sa pangalang Nanay Memen na nagsalita nuong araw ng pagtatapos:

“Ako po ay si Nanay Memen, 53 taong gulang, isang balo, ina ng 3 anak, at lola ng 3 apo na ngayon ay makapagtatapos ng Sekondarya sa pamamagitan ng programang Alternatibong Sistema ng Pagkatuto ng Departamento ng Edukasyon. Kung ito po ay isang panaginip, maaari po bang huwag na ninyo akong gisingin? Hindi ko po maipaliwanag ang kagalakan ng aking puso. Dahil sa araw na ito, natupad ang isang pangarap at naging makatotohanan ang isang panaginip. Hindi ko po lubos maisip na sa edad 53 anyos ay magaganap pa sa aking tanang buhay,ang umakyat sa entablado ng nakatoga, ang tumayo sa harap ng mga pinagpipitagang pangalan sa lipunan at magbigay mensahe sa mga kapwa ko magsisipagtapos. Patungo na po ako sa dapit hapon ng aking buhay, matanda na ako. Bukod pa doon ay apat na taon na akong naninirahan sa tinatawag naming pansamantalang tahanan sa San Juan City Jail Female Dorm. Pero sa araw na ito, pakiramdam ko ay tila ibinalik ako sa pagkabata na punong – puno ng pag – asa. Isa ring testament ng pagmamahal at kabutihan ng ating Ama sa Langit

Wala po akong ibang maibabahagi sa inyo kundi ang kuwento ng aking buhay na dadaigin pa ang mga paborito ninyong teleserye na maaari ninyong kapulutan ng aral. Ito ay para sa inyong kabataang mahaba pa ang lalakbayin sa buhay.

Noong ako ay bata pa, hinangad ko ang lumaki at tumanda agad upang matakasan ko ang pag- aaral. Ayaw ko na rin kasi pasakop sa aking mga magulang. Nais ko rin kumita kaagad at mabili lahat ng aking layaw. Ginawa ko lahat ng bawal na akala ko ay tama. At ang naging resulta ng mga ito ay ang pag – aasawa ng maaga .Akala ko ay masarap ang buhay may asawa. Akala ko ay ito ang solusyon sa aking mga problema. Hanggang sa hindi naging maganda ang aming pagsasama. Nagkaroon kami ng 3 anak. Doon ko naramdaman kung gaano kahirap ang buhay. Dahil sa walang pagpapahalaga sa edukasyon, ni hindi ako nakapagtapos kahit sa sekondarya. Dahil dito, wala akong mahanap na maayos na trabaho. Paano ko bubuhayin ang aking mga anak? Paano ko maibibigay ang kanilang mga pangangailangan? Higit sa lahat, paano ko sila mabibigyan ng magandang edukasyon? Sa mga panahong ito, naisip ko kung gaano kahalaga ang edukasyon sa buhay ng tao. Ayaw ko na matulad ang aking mga anak sa kanilang nanay na hindi nakapagtapos maski man lang sa sekondarya. Gusto ko na magkaroon sila ng direksyon sa buhay sa pamamagitan ng edukasyon. Hanggang sa nakarating na nga ako sa aking kinalalagyan ngayon, sa aking pansamantalang tahanan.

Kahit ganito ang aking kinahinatnan, pinili ko ang tumayo at mangarap kaysa magmukok at maging pabigat sa aking mga anak. Kaya ng dumating ang oportunidad na kami ay mabigyan ng pagkakataon na muling mag- aral sa pamamagitan ng programa ng ALS, hindi ako nagdalawang- isip na sumali sa programang ito. Taong 2014 ng ako ay unang sumubok sa programa. Hindi naging madali ang aking pag –aaral dahil nga sa dala narin ng katandaan. Sa pagkakataong ito ay hindi ako pinalad na makapasa. Ngunit dahil sa kagustuhan ko talaga na may mangyaring magandang sa akin sa loob ng kulungan, hindi ako tumigil na mag –aral at magpursigi upang makamit ko ang isa sa aking mga pangarap. Taong 2015 ng ako ay muling sumali sa programa. Sabi nga nila “Kapag may tiyaga ay may nilaga” at ‘’Kapag may hirap, may ginhawa”. At ito na nga ang aking pinakahihintay na magandang balita. Hindi ako halos makapaniwala ng aking malaman na ang aking pangalan ay kasama sa listahan ng mga pumasa.

Ang una kong naisip matapos kong malaman ang balitang ito, ay ang aking mga magulang, asawa at mga anak. Ito ay alay ko para sakanila. Sa ALS pala ay walang imposible, sa ALS pala ay may PAG-ASA.

Bayaan po ninyo ibahagi ko ang aking 4P’s. Hindi poi to ang 4P’s ng DSWD. Ito po ang 4P’s na gagabay sa inyong buhay.

1)Ang unang P ay ang pananampalataya sa ating Ama. Ano man ang hamon natin sa buhay, Siya ang gagabay sa atin tungo sa tunay na kaligayahan.

2)Ang pangalawang P ay ang pagtitiis. Ang buhay ay walang katapusang pagsubok. Hindi dapat sumuko bagkus ay matutong pagtiisan at pagtagumpayan ang bawat hagupit ng buhay.

3) Ang pangatlong P ay ang pagtitiyaga. Walang libre sa mundong ito. Lahat ng bagay ay dapat pinaghihirapan at pinagtitiyagaan.

4) Ang pang apat na P ay ang Pangarap. Huwag tayong tumigil mangarap, nasa unang hakbang na tayo pataaas. Huwag tayong hihinto. Ito pa lamang ang simula. Ang edukasyon ang makakapagbigay sa atin ng magandang bukas. Ang kapalit ng pag –aaral ay ang habambuhay na kaginhawaan, hindi lamang sa sarili mo kundi pati narin sa pamilya mo.

Sa pagtatapos ng aking talumpati, pahintulutan po ninyo akong pasalamatan ang mga taong naging bahagi ng tagumpay naming ito. Akin pong pinasasalamatan ang mga opisyal ng BJMP San Juan City Jail. Lalong-lalo na ang aming warden na si C/Insp. Marizen Sese at ALS Coordinator Alfredo Sumualde at sa lahat ng bumubuo , salamat po sa walang sawang suporta sa amin. Salamat din po sa kapwa ko residente na sama-samang tumulong at nagturo sa amin. Salamat po sa mga guro ng ALS na walang hinangad kundi kami ay matuto at makapag-bagong buhay. Salamat sa aking mga anak at manugang dahil hindi nila ako ikinakahiya sa kabila ng sitwasyon ko. Kayo ang naging inspirasyon ko lalong lalo na ang aking apo kung bakit hindi ako nawawalan ng pag – asa sa buhay. Para sa inyo ako bumabangon. Inaalay ko po ang diploma kong ito sa aking mga magulamg at sa aking asawa. Alam ko muli tayong magsasama – sama sa takdang panahon.

Ako at sampo ng mga magsisipagtapos sa Alternatibong Sistema ng Pagkatuto ay lubos pong nagpapasalamat sa Kagawaran ng Edukasyon, lalong lalo na sa DepEd San Juan. Iba’t iba ang kwento at pinagdaanan namin sa buhay pero muli ninyo kaming binigyan ng pagkakataon at pag – asa na muling makapag – aral at tuparin ang isa sa mga pangarap namin sa buhay. Ang pag – aaral pala ay walang pinipiling panahon, lugar at edad.

Kaya kayo, kapwa ko magsisipagtapos ay ipagpatuloy ninyong abutin ang inyong pangarap. Ipagpatuloy ninyo ang inyong nasimulan. Nawa ay magkita – kita tayong muli sa ganitong pagkakaton. Walang imposible sa Panginoon. Salamat po sa Ating Ama dahil hindi tayo pinapabayaan sa bawat sandali ng ating buhay. Kasiyahan nawa tayo!”

Bilang handog ng DepEd San Juan ALS Unit sa pakikipagtulungan ng PUP San Juan Campus at ni Mayor Guia G. Gomez, binigyang pagkakataon ang lahat ng mga nakapasa sa ALS mula nang magsimula ang programang ito sa Lungsod ng San Juan noong taong 2009 hanggang sa kasalukuyan na taon na makapag-enroll ng first year college na hindi na dadaan ng Senior High School.

Muli ang taos puso naming pagbati sa mga nagsipagtapos nawa’y ipagpatuloy nyo ang pag-abot sa inyong mga pangarap.

Article written by:

Danilo A. Castro Jr. (Education Program Specialist II - ALS)

 
 
 
Featured Posts
Archive

Contact Us

Schools Division Office - San Juan City
Pinaglabanan St., San Juan City 1500

(02) 8250-4528

transparency_seal_small.png
FOI%20logo_edited.png

RELATED LINKS

deped san juan city
deped san juan city
deped san juan city
deped san juan city
deped san juan city
deped san juan city
DepEd_MATATAG_BagongPilipinas.png

© 2019 by Schools Division Office - San Juan City

bottom of page